Habang isinusulat ko ito'y nagpapahinga na ang pagal kong katawan mula sa pagdalo sa huling pagsasama-sama ng mga sumusuporta sa kandidatura ng alkalde ng lungsod ng Davao na si Rodrigo Duterte, ang pinakakontrobersiyal na tumatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas para sa Halalan 2016. Oo, isa rin ako sa mahigit 600,000 katawang-lupang piniling tumungo sa pambansang parke sa Luneta sa halip na itulog ko na lang ang nalalabing bahagi ng Sabado upang makabawi sa antok mula sa panggabing shift sa trabaho. Pinili kong maging bahagi ng isang kasaysayang alam kong tatatak sa pambansang kamalayan ng bawat isa sa aming mga dumalo.
Aaminin ko, mahigit dalawang buwan ang nakalilipas, isa pa lamang ako sa mga undecided voter at observer o taga-abang lamang ng mga pangyayari sa mundo ng pulitika at ng mga tumatakbo sa iba't ibang posisyon, lalo na sa paligsahang pampanguluhan. Hindi ako well-opinionated pagdating sa usaping ito dahil naniniwala akong ang pag-usapan ang dalawang pinakamapanganib na paksa sa mundo (pulitika at relihiyon) ay magdudulot lamang ng di-mabuting bunga sa relasyon mo sa iyong kapwa. Sa totoo lamang ay may mga kaibigan ako sa social media lalo na sa Facebook ang in-unfollow ko (hindi naman unfriend, OA na yun) dahil sa kanilang ipinapaskil na mga pahayag na para sa aki'y nakapagbibigay lamang ng stress at hindi nakatutulong sa araw-araw kong pagharap sa mundo.
Subalit sa kalagitnaan ng Abril, habang ako'y naghahanap ng iba't ibang mga videos sa YouTube, may isang panayam ni Mayor Duterte kung saan isa sa binitiwan niyang pahayag kung bakit siya tumakbo sa halip na manatili na lamang bilang alkalde ng lungsod ng Davao ang biglang tumama at tumimo sa aking puso at isip. Tinanong siya kung anong dahilan at tatakbo siya para sa pinakamataas na posisyon ng bayang ito, na sinagot niya ng "I want to run simply because I love this country, and I love the Filipino people." Kung tutuusi'y napakapayak lamang ng pahayag na iyon, subalit habang sinasabi niya iyon ay makikita mo ang kanyang sinseridad at kaseryosohan sa parehong pagkakataon - isang pahayag na nagbigay-daan sa akin upang muling magising ang isang diwang halos nakalimutan ko nang maramdaman, isang kaisipang halos corny, pampaaralan, o teoretikal na lamang ang turing ng mga Pilipino sa makabagong panahon - ang diwang nasyonalismo.
Dahil sa naramdaman kong iyon ay ito ang naging unang hakbang upang saliksikin ang mga dating videos niya at balikan ko ang mga una niyang panayam - lalo na sa panahong wala pang nag-iisip na siya'y magiging frontrunner ng kahit anong balidong surveys sa pagiging presidente. Sa mga interviews niya, siya lamang ang bukod-tanging nagtuturo sa atin na balikan ang kasaysayan kung bakit patuloy pa rin ang hidwaan at mga sigalot sa Mindanao - pabalik hanggang 1521, kung kailan unang sumadsad ang barkong pang-ekspedisyon ni Ferdinand Magellan sa Pilipinas; kung saan sa panahong iyon ay nakapagtatag na ang mga Pilipinong Muslim ng kanilang mga panahanan o settlement, at may sistema na ng gobyernong sinusunod sa pamamagitan ng pamahalaang sultanato. Nawasak ang mga ito sa pagdating ng mga Kastila at pinilit ang mga Muslim na magpa-convert patungo sa Katolisismo, na nagbunga ng ilang siglong hidwaan sa pagitan ng Krus at Buwan. Mula noon hanggang sa kontemporaryong panahon, nananatili ang mga taga-Mindanao na nabubuhay sa karahasan dahil sa tunggalian sa paniniwalang panrelihiyon at pampulitika.
Bilang panatiko ng pag-aaral ng kasaysayan, lalo kong hinahangaan ang isang taong alam iugnay ang nakaraan patungo sa dahilan kung bakit tayo umabot sa ganitong estado. Sa ganang akin, hindi kailanman maiintindihan ng isang taga-Maynila o taga-Luzon ang nararanasang kahirapan at karahasan sa Mindanao na bunga ng isang kasaysayang pilit na iniiwas ng tingin o di-pinakikinggan ng mga iilang nasa kapangyarihan na ang turing sa lahat ng mga nanlalaban ay mga terorista nang walang pag-uuri - mapa-MNLF, MILF, o CPP-NPA man - lahat sila'y iisa lamang sa mata ng gobyernong nasa itaas na katawan lamang ng Pilipinas ang tuon. Tanging isang taga-Mindanao rin ang kayang umunawa sa kanyang kapwa Mindanaoan.
Sa aking pagdalo sa Luneta ay lalo akong napahanga ng butihing alkalde sa kanyang ideolohiya. Inaamin niyang makakaliwa siya, subalit hindi sa puntong nais niyang magkaroon ng martial law, maging komunista ang bansa, o magkaroon ng kudeta sa lahat ng lugar - mga bagay na siya mismo'y hindi niya pinaniniwalaan. Patuloy niyang ipinagdiriinan ang paniniwalang iisang bansa tayo, at dapat ay magkaroon ng mga pagpupulong kasama ang iba't ibang pinuno ng mga rebelde ng pamahalaan upang matamasa na ng bansa ang pangmatagalang kapayapaan, lalo na sa Mindanao. Isa pa sa kanyang mga prinsipyo ay ang pagpapalit ng uri ng pamahalaan patungo sa pederalismo - isang gobyernong ako rin mismo mula nang natuto ng kasaysayan ay nakikitang solusyon ito sa modernong panahon upang mapamahalaan nang maayos ang bansa at ang bawat rehiyon nito.
Habang itinitipa ko ang mga pangungusap na ito'y tapos na ang kampanya ng lahat ng mga nagnanais pamunuan ang ating bansa, ipinatutupad na ang liquor ban, at karamihan ay nagdarasal na sana'y maging malinis, matapat at vox populi ang resulta ng parating na halalan. Sa huli'y nais kong magpasalamat sa butihing mayor dahil muli niyang ipinaalala sa akin at sa lahat ng mga naniniwala sa kanya - sa pamamagitan ng palagian niyang paghalik sa watawat ng Pilipinas - na ako ay Pilipino, at mahal ko ang bansang Pilipinas.
Rodrigo Duterte, the 16th President of the Republic of the Philippines.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento